Scroll to top
The Official Student Publication of NEUST-San Isidro Campus
GRADUATING THANKSGIVING MASS
Report by Hanz Jefferson Medalla
Photo by John Derrick Samin | Mark Ren Villaflor

Bilang bahagi ng pagdiriwang sa seremonya ng pagtatapos, ginanap ang misa ng pasasalamat ng Nueva Ecija University of Science and Technology - San Isidro Campus (NEUST-SIC) na may temang "NEUST: Expanding Horizons, towards Global Excellence in Higher Education" sa St. Isidore the Farmer Parish, San Isidro Nueva Ecija ngayong umaga. Pinangunahan ang misa ni Rev. Fr. Edilberto Dela Rosa Jr., kura paroko ng nasabing parokya.

Sa kanyang homiliya, ibinahagi niya ang isang mensahe na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagiging masunurin.

"Sa paglalakbay natin, yung mga masunurin, sila talaga ang may nararating sa buhay—kung sumunod kayo sa mga magulang ninyo, narating ninyo ang oras na ito; nang sumunod kayo sa mga guro ninyo, narating ninyo ang oras na ito... sapagkat sa pagiging masunurin natin—sa pagkilala natin sa ating sarili, it pays off," ani Fr. Dela Rosa.

Ayon sa kaniya, mahalaga ang pagkakaroon ng self-reflection, nararapat na palaging tingnan ang sarili bago magpuna o magtuwid ng ibang tao. Sa pagtatapos ng misa, ginawaran ng sertipiko ng pagkilala ang tatlong mag-aaral na nagkamit ng gold award sa Excellence in Performing Arts. Kinilala ang mga ito na sina Roderick P. Castillo Jr., Abegail Mae M. Perez, at Denille Maverick M. Erguiza.

Pinarangalan din si Rev. Fr. Edilberto Dela Rosa Jr. ng plaque of appreciation bilang Paring namuno sa Misa ng Pasasalamat para sa mga magtatapos na estudyante sa kolehiyo ng NEUST.

Dumalo sa nasabing misa ang mga guro at kawani ng NEUST, pati na rin ang mga magsisipagtapos mula sa iba’t ibang departamento.

Samantala, nakatakda namang ganapin bukas, Hunyo 24, 2025, ang pormal na seremonya ng pagtatapos ng NEUST - San Isidro Campus, bilang pagbibigay-pugay sa tagumpay ng mga nagsipagtapos sa taong panuruan 2024–2025.